Hindi inakala ng isang pamilya sa Peru na ang pet dog nila na nagpapasaya sa kanila ay magiging isang sakit ng ulo.
Hindi inakala ng isang pamilya sa Lima, Peru na ang pet dog nila na ilang buwan nang nagbibigay ng kasiyahan sa kanila ay magiging isang sakit ng ulo.
Ang cute na tuta na binili nila sa isang maliit na pet shop sa Central Lima ay isa palang soro o fox.
Kuwento ni Maribel Sotelo, noong una ay masayang nakikipaglaro sa ibang mga aso sa lugar nila ang kanilang alaga na pinangalanan nilang “Run Run.”
Subalit habang lumalaki si Run Run ay may ilang senyales silang napansin na tila may hindi tama sa kanilang pet puppy.
Nagsimulang manghabol ng mga manok at bibe si Run Run. Kinain nito ang mga iyon na siyempre ay lubhang ikinagalit ng kanilang mga kapitbahay.
Ang alaga ng pamilya Sotelo ay isa palang Andean Fox. Makikila ito sa payat nitong mga paa, patulis na hugis ng ulo, nakatayong mga tenga at mabalahibong buntot.
Ayon kay Maribel Sotelo, nabili ng kanyang teenage son si Run Run sa halagang 50 soles o katumbas ng halos $13 anim na buwan na ang nakalilipas. Tiniyak umano sa kanila ng animal dealer na isang Siberian dog breed ang binili nilang pet.
“We had thought he was a purebred puppy,” wika ng ginang.
Ayon kay Walter Silva, isang veterinarian at wildlife specialist sa National Forest and Wildlife Service (Serfor), maraming mga wild animals ang dinadala ng mga traffickers mula sa Amazonian areas upang ilegal na ibenta sa Lima. Ganito umano ang nangyari kay Run Run...isang fox na ibinenta bilang isang aso.
Ipinaalala ni Silva na isang paglabag sa Peru ang illegal wildlife trading na may katumbas na kaparusahang pagkakabilanggo nang mula tatlo hanggang limang taon.
Samantala, sinabi pa ni Ginang Sotelo na isang kapitbahay raw niya ang nagreklamo sa kanya at nagsabing kinain ni Run Run ang mga alaga nilang guinea pigs. Kinailangan nilang bayaran ang ginawa ng kanilang pet.
“A lady told us that it had eaten three large guinea pigs,” malungkot na kwento ni Mrs. Sotelo.
Noong nakaraang linggo ay nakawala si Run Run at kasalukuyan itong pinaghahanap ng National Service of Forests and Wildlife of Peru (Serfor) upang dalhin sa isang special shelter o zoo.
Sinabi ng Serfor veterinarian na si Javier Jara na gumagamit sila ng mga drones upang hanapin ang nakawalang fox na huling namataan na natutulog sa loob ng bakuran ng isang residente sa lugar.
Pinayuhan niya ang mga tao na huwag habulin o batuhin si Run Run upang hindi iyon mabugaw papalayo.
Samantala, sa susunod na may bibilhin kayong alaga, tiyakin na ito ay hindi isang illegal wildlife breed!
COMMENTS