May mga taong bumibili ng P20 coin sa halagang P500 hanggang P1,000 per piraso?
Hanggang saan aabot ang bente pesos mo?
Sa mga presyong umiiral ngayon sa pamilihan, isang maliit na pakete ng instant mami at isang medium-sized egg ang puwedeng mabili ng “etneb” (bente) mo para mairaos mo ang iyong agahan o almusal.
Sa panahon ngayon ay kaunti na lang ang mabibili ng bente pesos.
Pero alam ninyo ba na may mga tao pala na handang palitan ng mas malaking halaga ang P20 coin, na bahagi ng New Generation Currency Coin Series na unang inilabas noong 2019, mula limandaan hanggang isanlibong piso?
Kung iniisip ninyo na may sangkap na ginto o silver ang naturang barya ay nagkakamali kayo. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang gitnang bahagi nito ay gawa sa nickel at ang outer ring ay gawa sa bronze o tanso.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho, ay itinampok doon ang ilang indibidwal na handang gumastos nang malaking halaga para magkaroon ng inaasam nilang P20 coins.
Ang isang lalaki na kinilalang si Rafol ay nagbayad ng P500 sa bawat bente pesos na coin. Naniniwala raw siya na may suwerteng dala ang mga bagong coins. Aniya, bagong coins, bagong suwerte. Lalo na kung palagi raw mayroon ka nito sa iyong pitaka.
Ginawa lang daw niyang koleksyon ang mga P20 coins. Gumastos siya ng P50,000 para magkaroon ng 100 piraso nito. Sulit naman umano ang nagastos niya dahil pakiramdam niya ay nakababawi na siya dahil sa mga suwerteng dumarating sa kanya.
Kuwento naman ni Ronilo ng Tanay, Rizal, isang lalaking bumibili ng ginto’t pilak at mga lumang coins ang napadaan sa kanila at sinubukan niyang magbenta ng mga barya. Nakita umano ng lalaki ang P20 coins niya at inalok siya na bayaran iyon ng isanlibong piso. Pumayag daw siya kaagad.
Simula raw noon ay sumali na siya sa Facebook groups ng mga coin collectors kung saan may nakilala siyang kolektor na handang magbayag ng P500 sa bawat P20 coin.
Sabi ni Ronilo, kumita na raw siya ng P5,000 mula sa mga itinatabi niyang P20 coins.
Ano naman kaya ang masasabi dito ng BSP?
Ayon kay Nanette Malabrigo, Acting Deputy Director BSP-Currency Policy and Integrity Department, kapag itinatago ang mga barya ay posibleng maapektuhan ang ekonomiya, tataas ang presyo ng mga bilihin at apektado ang produksyon ng paggawa ng barya.
Aniya, hindi naman ipinagbabawal ang pangongolekta ng mga barya, pero dini-discourage ng BSP ang pangongolekta ng mga legal tender coins.
COMMENTS