Malaki ang posibilidad na ipatupad ang pinamaluwag na alert level 1 sa NCR.
Malaki ang posibilidad na ilagay sa Alert level 1 ang National Capital Region (NCR) o Metro Manila sa mga darating na araw.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na posibleng maipatupad ang pinakamababa at pinakamaluwag na community quarantine classification kung magpapatuloy ang pagbaba ng bilang ng COVID-19 cases sa nabanggit na rehiyon.
“Depende ‘yan. Titingnan nga natin ang numero, ang datos. Posible na kapag below 1,000 tayo or 500 per day ay baka pwede nating ibaba pa ng Alert Level 1,” ayon sa kalihim.
Sa kasalukuyan, ang NCR ay nasa ilalim ng Alert Level 2 kung saan mas maraming mga negosyo ang pinayagang magbukas at pinalawig sa 50% ang operational capacity.
Sa ilalim ng Alert level 1, papayagan na ang lahat ng mga economic activities sa kondisyong susundin ng mga tao ang minimum health protocols. Ang exception lang dito ay ang mga lugar na naka-granular lockdown.
Ang isang lugar ay maaari lang isailalim sa pinakamaluwag na alert level kung ang COVID-19 transmission ay mababa o patuloy na bumababa at ang total bed utilization rate at intensive care unit utilization rate ay mababa rin.
Ayon kay Secretary Duque, sa oras na ipairal ang alert level 1 ay maraming mga negosyo ang makaka-recover at ang mga mamamayan ay makababalik na sa “new normal.”
Nilinaw pa ng kalihim na ang pagtaas at pagbaba ng mga alert levels ay hindi nakabatay sa kapritso lang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kundi nakabase sa pinagkakasunduan ng 54 experts na bumubuo ng All-Experts Group.
Aniya, ang pagtaas-baba ng mg alert levels ay naaayon sa mga batayan o metrics tulad ng average daily attack rate, two-week growth rate, at vaccination coverage sa buong kapuluan.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) noong Martes, ika-9 ng Nobyembre, nakapagtala ang bansa ng 1,409 na karagdagang kaso ng COVID-19.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng DOH sa publiko na na sumunod sa mga health protocols na ipinatutupad at magpabakuna.
COMMENTS