Muling nagpamalas ng husay ang young artist na si John Cyril Dojaylo mula sa Roxas City, Capiz.
Viral na naman sa Facebook ang 19 taong-gulang na si John Cyril Dojaylo mula sa Roxas City, Capiz dahil sa kanyang bago at mga nakamamanghang obra maestra.
Makikita sa kanyang post sa social media ang meta, hyperrealistic portrait niya na pinamagatan niyang 'Me, Myself and I (2), kung saan ay naipakita niya ang kanyang imahe habang ipinipinta ang kanyang sarili na ipinipinta rin ang isa pa niyang imahe. Gumamit siya rito ng oil sa 48×80-inch na canvas. Ipinost niya ito sa Artist’s Lounge PH at lumampas na sa 600K ang views at 32,000 shares.
“Remaking my original Painting na nag viral at kumalat around the world last year…and this time I want to make it more realistic,” saad ni John Cyril sa kanyang pagbabahagi.
Ang tinutukoy niyang original painting ay ang kanyang nag-viral na obra noong Mayo 2020 na nakarating pa sa ibang bansa at humakot talaga ng pansin.
At tulad ng inaasahan, muli itong pinutakti ng mga namamanghang netizens. Ang tindi naman kasi ng kanyang talento at ang konsepto ay nakapagpapabilib naman talaga.
Sa isang feature story na ibinahagi ng Kapamilya Network sa kanilang YouTube channel ay mas nakilala pa natin ang viral young artist na si John Cyril Dojaylo.
Nailahad niya na bata pa lamang ay mahilig na siyang mag-drawing gaya ng mga cartoons at sumasali sa mga competition gaya ng poster making sa paaralan. Nagtapos ng high school si John Cyril nang may karangalan.
Taong 2019 buwan ng Marso umano nang una siyang mahumaling sa pagpipinta. Na-inspire pala siya nang makita niya ang mga lumang paintings ng kanyang ama. Nag-usap daw sila at nagsimula na siyang mag-ipon ng mga gamit sa pagpipinta. Noong una ay mga maliliit at mga simple lamang ang subjects niya tulad ng mga landscapes.
Proud niyang ibinahagi na ang kanyang ama, na isa palang tricycle driver, ang siyang nagturo at gumabay sa kanya simula nung una niyang tinahak ang sining ng pagpipinta. Ito umano ang nag-train sa kanya hanggang sa siya ay matuto. Dati pala itong pintor ngunit dahil sa masidhing pangangailangan ng pamilya ay kinailangan nitong bitawan ang hilig upang kumita sa ibang paraan gaya ng pamamasada. Halos dalawang dekada na palang tumigil ang kanyang ama sa pagpipinta.
Dahil nasa puso ang ginagawa, madaling natuto at humusay sa kanyang sining si John na kasalukuyan palang nasa unang taon sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Architectural Drafting. Siyempre, may higit pa bang sasaya sa kanyang natatamong tagumpay kundi ang kanyang ama. Proud tatay!
Hindi man full-time si John Cyril sa pagpipinta pagkat siya'y nag-aaral pa, tumatanggap siya ng mga commissioned arts at nakatutulong na sa pamilya.
A Family of Artists?
Sa kanyang social media account ay naibahagi rin niya ang paglikha niya ng iba pang obra bukod sa realistic painting, Nakapaglalaan din siya ng panahon para turuan ang kanyang mga pinsan na may hilig at talento rin pala. Nasa ugat yata nila talaga ang sining!
May sinimulan na siyang YouTube channel kung saan ay ninais niyang magbahagi rin ng tutorials, ngunit dahil sa pagiging abala ay ilan pa lamang ang kanyang naia-upload na video. Bilang suporta, maaari kang mag-subscribe sa kanyang channel.
Samantala, silipin ang panayam sa kanya ng ABS CBN:
COMMENTS