Ang binabalewalng tutong sa Pilipinas ay mabenta pala sa Amerika.
| Screenshot from KMJS video |
Halos saan man sa mundo kung saan ang kanin ay pangunahing pagkain, may tawag sila sa kanin na nasunog o nasobrahan sa pagkakaluto at dumikit na sa base ng kaldero.
Sa China ang tawag doon ay guo ba, sa Indonesia ay intip, sa Japan ay okoge, at sa Korea ay tinatawag itong nurungji. Pero sa Pilipinas ang tawag natin sa sunog na kanin ay tutong o kaya ay dukot para sa mga Cebuano.
Dito sa atin, kadalasaan ay diretso sa kaning baboy ang mga tutong. Meron din naman na mangilan-ngilan na mahilig pumapak nito dahil daw sa lasa nitong kakaiba.
Ang tutong na dinededma lang ng mga Pinoy -- alam n’yo ba na mabentang-mabenta pala sa Amerika?
| Image from Kai Anas-Jastia's Facebook account |
Pinatunayan ito ng isang Pinay overseas worker sa California.
Sa Facebook post noong November 5, 2021, sinabi ni Kai Anas-Jastia na kinunan niya ng litrato ang ibinebentang tutong sa isang Korean store sa Los Angeles, California.
“It’s called “itip” or “dukot”. Sobrang mahal siya Besh. To those who asked if this is really sold in the store… yes, it is. Hehehe I took this picture at a local Korean store (California),” sabi niya.
Sa comment section ng post, sinabi rin niya na ang presyo ng tutong na kanin ay $4.99 per pound (halos kalahating kilo lang). Sa Philippine peso ay katumbas ito ng P251.
| Screenshot from KMJS video |
Dahil nag-viral ang post ni Kai ay itinampok siya sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) sa episode nito noong November 23, 2021 kung saan ipinakitang binalikan niya ang Korean store sa San Fernando Valley region sa Los Angeles.
Sa naturang KMJS episode ay inalala niya ang una niyang naging reaksyon nang makitang ibinebenta ang tutong na ang tawag ay "Baked Rice Crisp."
“Kuha ako, sabi ko, ‘Bakit siya binebenta $4.99 per pound? That would be like P250 per pound,'” aniya
Sabi pa niya, naalala raw niya na noong maliit pa siya ay nakikita niya ang lola niya na ginagawang kaning baboy ang tutong.
| Screenshot from KMJS video |
“Nilalagyan niya ng extrang tubig na mainit, ginagawa niyang parang lugaw, ‘tapos pinapakain sa baboy. Tapos naisip ko, ‘Ang mahal-mahal pala nito,’ tapos ginagawa nating parang feed lang natin,’” kuwento ni Kai.
Matapos mag-viral ang kuwento ni Kai, marami ang napaisip kung paaano pagkakakitaan ang tutong.
COMMENTS