Isa sa mga nagpasaya sa mga bata noon ang pagpapaanod ng mga bangkang papel.
Malayo ang nararating ng paglalayag ng mga bangkang papel—hindi lamang sa tubig.
Isa sa mga nagpasaya sa mga batang Pinoy noon ang pagpapaanod ng bangkang papel. Ang simpleng paggawa pa lamang ng laruang ito ay sapat na para mapasaya ang mga bata; nagpapabilisang gumawa, nasusubok ang abilidad sa paghahanap ng magandang papel, nagpapagandahan ng bangka. Wala ring kaso kung mag-isa dahil puwedeng-puwede namang lumikha at pagkatapos ay maglibang habang pinanonood ito na maglayag.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga "young once" ang masaya nilang kabataan at ang mga magagandang alaalang nakakabit na sa laruang ito.
"Napakasimple ng buhay dati. Bangkang papel lang masaya na tayo," saad ng admin ng page.
Sang-ayon naman ang mga followers nito na talaga namang naging makulay din ang kabataan dahil dito.
"Kapag umuulan, kanya-kanyang gawa na ng bangkang papel," ani B.S. Lozada.
"Laro namin noon lalo kapag umuulan. Paligsahan kami sa paggawa ng bangkang papel, tapos ipapaanod namin sa tubig galing sa alulod papunta sa maliit na creek," kuwento ni H. Nichole.
Malayo talaga ang nararating ng paglalayag ng mga bangkang papel—hindi lamang sa tubig, kung hindi pati na rin sa buhay. Kahit matagal nang panahon ang lumipas ay nagagawa pa rin nitong maglayag sa mga pusong pinasaya nito noon; mga batang nagsilakihan na at binago ng mundo ngunit sa mga simpleng bagay pa rin totoong nakukumpleto.
COMMENTS