Batang 90s, natatandaan mo pa ba ang maliliit na beads na kung tawagin ay kisses?
Natatandaan mo pa ba ang maliliit na aroma beads na kung tawagin ay kisses?
Bukod sa mabango, may isa pang dahilan kung bakit talagang nawili noon ang mga batang 90s sa paglalaro ng "kisses": ang paniniwala na sa tamang pag-aalaga ay nangângânâk at dumarami ang mga ito. Kaya naman ang dapat sana ay pabango sa wallet, sa bag, at iba pa ay biglang naging laruan dati sa mga bata sa Pilipinas.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga social media users ang mga alaalang kakabit ng pag-aalaga nila ng kisses. Tandang-tanda pa ng mga "young once" ang mga panahong ibinabalot nila ang mga ito sa bulak na may baby powder at alcohol, at pagkatapos ay ilalagay sa espesyal na sisidlan habang umaasa na magre-reproduce at dadami ang mga ito.
"Kisses tawag namin diyan. Mabango 'yan. Nilalagay sa posporo na may bulak kasi nangângânak daw, e. Hindi naman," komento ng Facebook user na si Macoy Securata Belen.
"'Pag bumibili ako, talagang napapa-smile ako kasi sobrang cute nila. Sabi nila, alagaan ko raw at mangângânak daw. Dinidiligan ko ng alcohol habang nakalagay sa bulak," ani Riza Rodriguez Cacho.
Pagbabahagi naman ng inang si Aki Beñegas Shirotori, "'Yong anak ko iniiyakan pa 'pag tinitingnan sa umaga at 'di pa nanganganak. Baka kulang daw sa init at bulak."
Ikaw, nag-alaga ka rin ba ng kisses? Naniwala at umasa ka rin ba na nangângânak ang mga ito? Ibahagi ang mga hindi mo malilimutang alaala sa mga aroma bead na kumumpleto sa kabataan ng napakarami.
COMMENTS