Umatras na si Sen. Bong Go sa presidential race at inilahad niya ang mga dahilan.
| Image from Sen. Bong Go |
Isang linggo matapos niyang magparamdam ng pagdadalawang-isip sa kanyang kandidatura sa pagka-presidente ay tuluyan na ngang umatras si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa darating na halalan .
Sa isang biglaang panayam na ginawa sa wreath-laying ceremony sa San Juan City para sa komemorasyon ng ika-158 taon ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio ay inanunsyo ni Senator Bong Go ang pag-atras niya sa presidential race.
Naisip umano ng senador na hindi pa ito ang tamang panahon para tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Aniya, tanging ang Diyos lamang ang nakaaalam kung kailan ang tamang panahon para sa kanya.
| Screenshot from Mayor Francis Zamora's video |
Hindi raw siya galing sa malaki o kilalang pamilya sa bansa at hindi pa rin nasasanay sa marumi at mainit na klase ng pulitikang umiiral.
Noon pa man ay tutol na raw talaga ang kanyang pamilya sa pagkandidato niya sa pagka-pangulo.
"Ayaw rin talaga ng aking pamilya kaya naisip ko na siguro ay hindi ko pa panahon sa ngayon. Diyos lang ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon. Ayaw ko ring maipit si Pangulong Duterte higit pa sa tatay ang pagmamahal ko sa kanya. Matanda na po siya at marami na rin siyang naibigay para sa bayan, ayaw ko na pong dagdagan pa ang kanyang problema.”
| Image from Sen. Bong Go |
Maging ang ibinubulong ng kaniyang puso at isipan ay taliwas daw sa mga ginawa niyang aksyon.
“In the past few days, I realized that my heart and my mind are contradicting my actions. Talagang nagre-resist po ang aking katawan, puso, at isipan. Tao lang po ako, nasasaktan at napapagod din,” anang senador.
“Sa ngayon po ‘yun ang mga rason ko, that is why I am withdrawing from the race,” pagtatapos niya.
Nanawagan siya sa ibang presidential aspirants na unahin ang kapakanan ng bansa at ang interes ng mga mamamayang Pilipino.
| Image from Sen. Bong Go |
Ayon kay Commission on Elections spokesperson James Jimenez, kailangan umanong magtungo ng personal sa kanila si Sen. Bong Go para isapormal ang kanyang withdrawal. Wala na rin umanong kandidato na papalit sa pag-atras ng senador dahil ang panahon ng substitution of candidates ay natapos na noon pang November 15, 2021.
COMMENTS