Bentang-benta sa mga cat lovers ang isang bagong bukas na bookstore na nagsisilbi ring tahanan ng mga pusa.
Halos kalahating buwan pa lamang simula nang ito ay binuksan ngunit naging paboritong tambayan at atraksyon na para sa mga cat lovers ang isang bookstore na matatagpuan sa Aix-en-Provence, France. Bukod kasi sa puno ito ng magagandang klase ng aklat, ang Mon Chat Pitre ay isa ring tahanan para sa anim na magagandang pusa.
Ayon sa Oddity Central, simula nang buksan ang bookstores nitong nakaraang Hunyo ay kinawilihan na ito ng mga mahihilig sa pusa. Sa bawat sulok ng shop, makakakita ka ng mga pusa na may iba't ibang ginagawa. May natutulog sa mga libro. May naglalaro. May nagmamasid sa mga tao. May mga agad ding "nag-e-entertain" ng mga customer na pumapasok dito.
At ito ang talagang nasa isipan ng mga nasa likod ng bookstore na sina Solène Chavanne at Jean-Philippe Doux, mga television journalist na nangarap magkaroon ng isang espesyal na tindahan ng aklat kung saan payapang makapamimili ang mga bookworm habang nasa paligid ang mga magaganda at mababait na pusang mas magpapaganda pa ng araw nila.
Anim na pusa raw ang matatagpuan sa nasabing bookstores at lahat sila ay in-adopt mula sa isang local shelter. Sa kasalukuyan, ang mga pusa raw ay kinokonsidera rin ng mga nagmamay-ari ng shop bilang ambassadors ng mga napabayaang pusa.
Kapag may customer daw na interesadong mag-alaga ng mga pusa, maaari rin sa kanilang humingi ng tulong kung paano makapagsisimula, lalo na at marami pang mga katulad nila sa mga local shelter na kalapit ng bookstore.
Samantala, para naman hindi mapagod ang mga pusa sa dami ng mga bisitang nakikipaglaro at kumakarga sa kanila, naglaan ang may-ari ng isang lugar sa likod ng shop na nagsisilbi nilang "retreat area".
Sa lugar na ito, hindi raw maaaring pumasok ang mga bisita at ang matatagpuan lamang ay ang kanilang mga laruan at higaan. Kapag ayaw muna nila sa loob ng tindahan, pumupunta sila sa nasabing lugar. Cats' haven!
COMMENTS