Ipinaaalis ng China sa Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
| Public Domain image |
China, ipinaaalis sa Pilipinas ang nabahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Iginiit ni Zhao Lijian, tagapagsalita ng Foreign Ministry ng China, na ang lugar ay sakop ng teritoryo ng kanilang bansa. Ito ay sa kabila ng arbitral ruling noong 2016 na pumabor sa Pilipinas tungkol sa pinag-aagawang teritoryo.
“Ren'ai Jiao (Ayungin Shoal) is part of China's Nansha Qundao. China demands that the Philippine side honor its commitment and remove its grounded vessel on Ren'ai Jiao. This position remains unchanged,” pahayag ng Chinese official.
| Image from Chinese Foreign Ministry |
Itinanggi naman ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana ang “commitment” na binanggit ni Zhao Lijian.
“I don’t know about that so-called commitment. The AFP has never talked about it," ani Sec. Lorenzana.
Binigyang-diin ng kalihim na ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Wala umanong basehan ang iginigiit ng China na sakop iyon ng kanilang teritoryo.
“We can do whatever we want there and it is they who are actually trespassing. Meron tayong dalawang dokumento na nagpapatunay na meron tayong sovereign rights sa ating EEZ habang sila ay wala at 'yung claim nila walang basehan," aniya.
| Image from Defense PH Facebook page. |
Samantala, sinabi ni National Security Adviser na si Hermogenes Esperon, Jr. na pinag-iisipan ng pamahalaan kung ano ang gagawin sa BRP Sierra Madre na ngayon ay kinakalawang na. Sa ngayon ay ginagamit itong outpost ng mga sundalong Pilipino.
Ang naturang barko ay pinasadsad doon ng pamahalaan noong 1999 upang magsilbing marka ng boundary ng Pilipinas sa Spratly Islands matapos kamkamin ng China ang Mischief (Panganiban) Reef noong 1995.
Ayon kay Sec.Esperon, isa sa mga options ay ipreserba ang BRP Sierra Madre upang maging permanenteng detachment ng mga sundalo. Maaari rin umanong magtayo ng mga istruktura sa paligid ng barko tulad ng parola at mga kanlungan para sa mga sundalo at mangingisda.
| Image from Defense PH Facebook page. |
Ang BRP Sierra Madre ay muling napabalita kasunod ng insidente kamakailan lang kung saan binomba ng tubig ng Chinese ship ang dalawang Philippine boats na magdadala ng supply sa Ayungin Shoal.
COMMENTS