Hinihikayat ni Pres. Duterte ang mga LGUs na gumawa ng ordinansa upang higpitan ang mga bata na magtungo sa malls.
Hinihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga local government units (LGUs) na maglabas ng ordinansa para sa paghihigpit sa pagpapasok ng mga batang paslit sa mga shopping malls at pagtungo sa iba pang pampublikong lugar.
Ito ay upang tiyakin ang kanilang kaligtasan sa COVID-19.
Nauunawaan naman ng Pangulo ang kagustuhan ng mga magulang na maipasyal ang mga bata subalit wala pa raw depensa ang mga ito dahil hindi pa bakunado. Sa kasalukuyan ay ang mga may edad 12 hanggang 17 ang mga menor de edad na binabakunahan.
Ang panawagan ng Pangulo ay kasunod ng napaulat na may batang dalawang taong gulang ang nagpositibo sa COVID ilang araw matapos itong ipasyal sa isang shopping mall.
| Image from PCOO |
Dahil dito, ipinahayag ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nagtakda ng pagpupulong ang mga alkalde ng Metro Manila upang pag-usapan ang restriksyon na ipatutupad para sa mga paslit.
Sinabi naman ni Department of Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na ang mga LGUs ay may awtoridad na timbangin ang situwasyon at maaari silang magbigay ng karagdagang restriksyon kung sa tingin nila ay kailangang pigilan nang kaunti ang paglabas ng mga bata.
Sa kabila nito ay nilinaw ni Usec Vergeire na ang pagpapahintulot sa mga bata na makalabas ng bahay ay may benepisyong pangkalusugan para sa kanila.
| Image from DOH |
“Pinapayagan natin lumabas ang mga bata para magkaroon ng interaction with other children…magkaroon ng time to exercise,” aniya.
Tungkol sa batang nagpositibo sa COVID, sinabi ni Usec. Vergeire na hindi pa tiyak kung ang pagtungo nito sa shopping mall ang dahilan kaya dinapuan ito ng virus. Marami raw posibleng dahilan ang nagdulot niyon.
Tiniyak niya na isang isolated case iyon. Nakipag-ugnayan na raw sila sa mga magulang ng paslit.
“Kailangan lang talaga bantayan maigi at saka syempre ‘yung contact tracing natin ginagawa natin sa ngayon so they are being monitored and they are being managed properly,” sabi pa niya.
Pakiusap niya sa mga magulang, huwag nang dalhin sa crowded areas ang mga anak.
COMMENTS