Inireklamo ang aktor na si Enchong Dee dahil sa diumano'y mapanirang tweet.
Naghain ng reklamong cyber libel si Congresswoman Claudine Diana Bautista-Lim, party-list representative of Drivers United for Mass Progress and Equal Rights or DUMPER, laban sa aktor na si Enchong Dee.
Ayon sa PEP, na nakakuha ng kopya ng naturang reklamo, sa Office of the Provincial Prosecutor sa Davao Occidental inihain ng kongresista ang kanyang complaint noong August 23, 2021.
Ang reklamo ay kaugnay diumano sa malisyoso at mapanirang mga salita na ginawa ng aktor sa pamamagitan ng social media patungkol sa kasal ng mambabatas sa negosyanteng si Jose French “Tracker” Lim na ginanap sa Balesin Island Club, isang exclusive resort sa Quezon.
Sinabi ni Rep. Bautista-Lim na kasiraan sa kanyang pangalan at karangalan ang pahayag ng aktor na ginamit umano niya ang public funds para sa kanyang magarbong kasal.
“Enchong went as far as saying that I used public coffers to fund my wedding by categorically saying that ‘The money for commuters and drivers went to her wedding’, to the detriment and injury to my honor and name… The posts were meant nothing more than their malicious intentions of maligning my person, depicting me as a corrupt public official,” bahagi ng salaysay ng mambabatas.
Matatandaang agad na binawi ni Enchong Dee ang kanyang nasabi sa social media at humingi ng kapatawaran sa kanyang nagawa.
Ngunit hindi ito tinanggap ni Rep. Bautista-Lim dahil naniniwala siya na hindi sinsero ang paghingi nito ng paumanhin. Nais lang daw ng aktor na makaiwas sa asunto.
“He was not sorry to me and for the damage that he has done. He just wants to deflect, albeit unsuccessfully, this criminal charge against him…This does not do any good for him. It only bolstered and magnified his admission of guilt beyond reasonable doubt for his un-provoked and baseless libelous remarks,” ayon pa sa Congresswoman.
Humihingi umano siya ng P500,000,000 para sa moral damages at P500,000,000 para sa exemplary damages.
COMMENTS