Nilagdaan ni Yorme ang EO No. 42, na nagdedeklara na ang pagsusuot ng face shield sa Maynila ay non-mandatory na.
Inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa siyudad, maliban na lamang sa loob ng mga medical facilities.
Nilagdaan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order No. 42, na isang kautusan na nagdedeklara na ang pagsusuot ng face shield sa Maynila ay non-mandatory na, noong Lunes, ika-8 ng Nobyembre 2021.
Kasama sa EO 42 ang paglilinaw na kailangan pa rin ang face shield kapag nasa loob ng mga pagamutan, klinika at iba pang mga katulad na pasilidad.
“Mananatiling mandatory pa rin ang paggamit ng face shield sa ating mga ospital. Effective po ito ngayong araw,” ayon kay Mayor Domagoso na mas popular sa tawag na “Yorme.”
Sa kanyang pahayag, sinabi ng alkalde na ang EO 42 ay resulta ng mga panawagan at kahilingan ng mga Manilenyo na pag-aralan ang polisiya sa pagsusuot ng face shield, na wika nila ay isa lang karagdagang gastusin at hindi naman epektibo sa pagbibigay ng proteksyon laban sa COVID-19.
Ang kailangan na lang gawin ng mga residente ng lungsod ay ang magsuot ng face mask.
“’Yung inyong kahilingan, mga sulat, at messages na pag-aralan mabuti ‘yung paggamit ng face shield, dininig na po ng inyong lingkod. Ang kailangan na lang nating gawin ay mag-face mask para kahit paano maibsan ang inyong gastusin araw-araw dahil sa face shield na ‘yan,” anang Manila mayor.
Nabanggit din sa EO 42 ang report ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nagsasabing ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ay pabor na alisin na ang face shield policy.
Matatandaang noong ika-4 ng Nobyembre ay isiniwalat ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya ang plano ni DILG Sec. Año na ipanukala sa IATF na tanggalin na ang face shield policy.
Ipinahayag ni Mayor Domagoso na naabisuhan na niya ang mga business establishments kabilang ang mga shopping malls na papasukin na ang mga tao kahit walang suot na face shield.
COMMENTS