Tinatanggal na ng MMDA ang garbage island sa Parañaque River.
Sa isang bahagi ng Parañaque River, na kilala rin bilang Ilog Tambo, ay may matatanaw na isang isla.
Ang nabanggit na isla ay hindi isang anyong-lupa na napaliligiran ng tubig.
Ang isla sa ilog ay binubuo ng mga naipon at tambak-tambak na basura na nahaluan na ng mga putik at iba pang sedimento. Tinatawag iyon na “garbage island” kung saan may ilang barong-barong nang nakatayo na nagsisilbi umanong pahingahan ng mga mangingisda.
Gumagawa na ng aksyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang solusyunan ang problema sa naturang ilog na may malaking ambag sa polusyon sa Manila Bay.
Kamakailan lang ay ininspeksyon ni MMDA Chairman Benhur Abalos ang desilting operations sa bunganga ng Parañaque River sa Marina Complex, Macapagal Boulevard.
May binuo nang team si Chairman Abalos na magtatanggal sa garbage island. Ito ay bahagi ng flood control mprogram ng ahensya.
Nangangamba si Abalos na kung hindi tatanggalin ang isla ng basura ay malaki ang posibilidad na marami pang mga barong-barong ang magsusulputan doon. Pero hindi lang iyon ang kanyang ikinababahala.
“If we don’t act on this, more structures will be built in the area. But the most alarming possibility is its effect on the water flow along the river and the waste will be very toxic to the community and surrounding waters,” aniya.
Ang mga tambak ng basura sa ilog ay tinatayang aabot sa 26,000 cubic meters. Mula tatlo hanggang apat na buwan umano ang itatagal bago tuluyang matanggal ang mga basura sa Parañaque River.
Ipinaliwanag ni Engineer Baltazar, ang hepe ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office, na may kahabaan ang proseso ng pagtatangal ng lahat ng basura lalo na’t may kabagalan ang paghahakot ng mga ito patungo sa mga landfills.
Nanawagan si Chairman Abalos sa publiko na agad ipagbigay-alam sa MMDA kapag may nakitang tambak ng mga basura na humaharang sa mga daluyan ng tubig.
Nakiusap rin siya na sana’y maging responsable ang lahat sa pagtatapon at sanayin ang recycling upang mabawasan ang basura na lubos na makatutulong upang maibsan ang mga pagbabaha.
COMMENTS