Pagsusuot ng goggles posibleng ipalit sa pagsusuot ng face shield?
Naging mainit na usapin ngayon ang pag-aalis ng polisiya hinggil sa pagsusuot ng face shield sa publiko.
Maaalalang naglabas ng isang executive order ang lokal na pamahalaan ng Maynila na nagsasabing non-mandatory na ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar maliban na lang sa mga pagamutan.
Kaugnay niyon ay naglabas si Presidential Spokesperson Harry Roque ng isang pahayag na nagsasabing walang bisa ang executive order ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil labag daw iyon sa umiiral na executive policy na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Null and void siya for being in violation of an existing executive policy decreed by the President himself in the exercise of police powers,” ani Roque.
Hindi pa man malinaw kung aalisin na ang polisiya sa pagsusuot ng face shield, isa na namang bagong patakaran ang diumano ay pinag-aaralan ng Department of Health na ipatupad. Ito ay ang pagsusuot ng goggles kapalit ng pagsusuot ng face shield.
Sa isang media briefing, tinanong si Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire kung kinukonsidera ng Department of Health (DOH) na irekomenda ang pagsusuot ng goggles at double face masks kapalit ng face shield.
Sagot ni Usec. Vergeire, bahagi raw sa mga napag-uusapan ng DOH at mga health experts ang goggles. Aniya, pinoprotektahan ng goggles ang ating mga mata mula sa droplets at aerosols.
“Iyan talaga ang direction ng pag-uusap. Primarily, kaya natin minandate na ang face shields ay gamitin natin for us to protect our eyes because there are evidence to state na ang COVID-19 can also penetrate ang eyes natin at pwede tayo maimpeksyon. Pinag-uusapan lahat ito, the possibility of these goggles and the others, nandyan po iyan,” aniya.
Kinontra naman ni Mayor Isko Moreno ang posibleng paggamit ng goggles kapalit ng face shield.
“Really? Naghahanap na naman sila ng gastusin sa tao? You cannot ask people to continue to spend on something that is not viable, that is not feasible and that is not helpful… Hirap na hirap na ang tao. Mas mahal ‘yung goggles,” reklamo ng alkalade.
Ang rekomendasyon ng DOH hinggil sa kahihinatnan ng face shield policy ay isusumite nito sa Inter-Agency Task Force for the Management ofg Emerging Infectious Diseases sa Huwebes, ika-11 ng Nobyembre.
COMMENTS