Missing teenager gumamit ng senyas sa paghingi ng tulong na natutunan niya sa TikTok.
Nasaklolohan ng mga awtoridad ang isang missing teenager na gumamit ng hand signal sa paghingi ng saklolo na natutunan niya sa TikTok.
Nasagip ng Kentucky Police ang nawawalang dalagita noong November 4, 2021 matapos nitong humingi ng tulong sa pamamagitan ng hand gesture. Isang motorista ang nakakita sa senyas ng dalagita na nakasakay sa kotse na bumabaybay sa isang expressway.
Agad na tumawag sa 911 ang alertong motorista na na-recognize ang hand signal.
Ayon sa Laurel County Sheriff’s Office sa Kentucky, ini-report ng mga magulang na ang anak nilang 16-anyos ay nawawala noong ika-2 ng Nobyembre 2021.
Sinabi pa ng County Sheriff’s Office na matapos tumawag sa 911 ay sinundan pa ng alertong motorista ang sasakyan ng suspek habang patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad. Agad na pumosisyon ang mga rumespondeng pulisya nang makuha ang impormasyon kung saang exit ng expressway palabas ang suspek.
“As the vehicle traveled southbound on I–75 the complainant continued to follow the vehicle giving Laurel 911 dispatch updates on the suspect’s vehicle's location. Laurel Sheriff's investigators positioned themselves at exit 41 at London to observe for the suspect vehicle and were advised by the complainant that the vehicle was exiting the interstate at exit 41,” post ng Laurel County Sheriff’s Office sa social media account nito.
Ayon sa pulisya, nakita rin nila ang hand signal na ginagawa ng dalagita.
Kinilala ang nadakip na suspek bilang si James Herbert Brick, 61 years old na naninirahan sa Cherokee, North Carolina, at agad sinampahan ng karampatang reklamo.
Ang hand gesture for help ay nagagawa sa pamamagitan ng bukas na palad, itutupi ang hinlalaki sa palad at itutupi ang apat pang mga daliri upang matakpan ang hinlalaki.
Labis na ikinatuwa ng Canadian Women’s Foundation, ang nagpasimula ng hand gesture, na may gumamit ng senyas upang makaalpas mula sa isang delikadong sitwasyon at may naka-recognize niyon.
COMMENTS