Patok ang gimik ng isang restobar na gumagamit ng kabayo sa food delivery service nito.
| Image from Chopstick Restobar Facebook page |
Agaw-pansin sa mga kalsada ng Oroquieta City sa Misamis Occidental ang isang delivery rider dahil nagmistula siyang si Zorro habang sakay ng humahagibis na kabayo upang dalhin sa mga customers ang order nilang pizza.
Tuwang-tuwa ang mga kliyente na madalas ay nagpapa-selfie pa sa horse-riding delivery man dahil talaga raw kakaiba ang gimik ng food establishment na Chopstick Restobar.
| Screenshot from KMJS video |
Kwento ng delivery rider na si Jomar Hatague, nakakapogi raw sa pakiramdam ang pagde-deliver gamit ang kabayong si Happy dahil sa rami ng napapatingin sa kanya.
“Pakiramdam ko ‘pag si Happy ‘yung ginagamit ko mag-deliver nakakapogi kasi marami ‘yung tumitingin sa akin,” aniya.
| Screenshot from KMJS video |
Ang paggamit ng kabayo sa pagde-deliver ay ideya ng mag-asawang John at Katrina Hatague, ang may-ari ng restobar. Bunsod daw iyon ng pagsirit ng presyo ng gasolina sa merkado.
Kuwento ni John sa Kapuso Mo, Jessica Soho, nakatitipid sila ng P100 a day sa gasolina kapag kabayo ang ginagamit sa delivery.
“Sa ngayon, we spend like P100 per day sa isang motor. Since nandito na si Happy sa amin, maka-save kami ng P100 per day, in a month P3,000 na ‘yun,” paliwanag ni John.
Nabili umano nila si Happy sa halagang P16,000. Ang pinsan ni John na si Jomar ang kinuha nilang delivery rider dahil bata pa ito ay marunong nang mangabayo.
Bukod sa tipid sa gasolina, environment friendly rin ang paggamit kay Happy.
| Screenshot from KMJS video |
Nilinaw ng mag-asawa na pawang mga “dry food” orders lang ang ginagamitan ng horseback delivery upang hindi masira ang mga pagkain.
Para hindi agad napapagod at matiyak ang kaligtasan ni Happy, hindi ito pinatatakbo nang mabilisan at pang-malapitan lang na lugar puwede mag-deliver. Hapon na nagsisimulang tumakbo ang kabayo kapag hindi na mainit ang sikat ng araw.
Sa ngayon ay gumagamit pa rin ng motorsiklo para sa delivery service ang restobar dahil hindi kayang i-accommodate ang lahat ng nagre-request na si Happy ang mag-deliver ng mga orders nila.
| Screenshot from KMJS video |
Dahil pumatok sa publiko ang gimik, sinabi ni Katrina na may plano silang bumili pa ng karagdagang mga kabayo upang hindi mahirapan si Happy.
COMMENTS