Patuloy ang girian sa pagitan ng BuCor at pamahalaang lungsod ng Muntinlupa matapos ang itinayong pader na humarang sa mga residente.
Patuloy ang girian sa pagitan ng pamunuan ng Bureau of Correction (BuCor) at pamahalaang lungsod ng Muntinlupa matapos ang itinayong pader na humarang sa dinaraanan ng mga residente ng Katarungan Village Biyernes nang gabi, Nobyembre 26.
Itinayo ng BuCor
ang naturang pader bilang sagot umano sa ‘maraming insidente ng illegal na
aktibidad’ sa loob ng compound ng National Bilibid Prison.
Subalit kaagad naman itong giniba ng mga residente makaraan ang ilang oras matapos ang sandalling pag-uusap sa pagitan ng pamunuan ng BuCor at nina Muntinlupa City Administrator Allan Cachuela, Cong. Ruffy Biazon at Barangay Captain Allen Ampaya.
| Imahe mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
Iginiit ng mga
opisyal ng lungsod na walang koordinasyon sa kanila ang nabanggit na
pagpapatayo ng istruktura na nakaapekto hindi lamang sa mga residente ng
Katarungan Village kundi pati na rin sa mga
commuters na patungong Muntinlupa National High School Main at
Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.
Sa kabila ng pag-uusap,
hindi pa rin natapos ang kaguluhan dahil nitong Sabado ay nagpadala naman ng
backhoe ang BuCor sa lugar para sirain nang tuluyan ang kalsada.
Dahil dito, mismong si Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi na ang nagkondena sa ginawa ng BuCor dahil sa kawalang respeto umano nito sa kanilang pamahalaang lungsod.
| Imahe mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
Nagpasa na rin
ng anim na resolusyon ang konseho ng lungsod na may kaugnayan sa incident kabilang
na ang pagdedeklara kay BuCor chief Undersecretary Gerald Bantag bilang persona-non-grata
sa Muntinlupa City.
Kaugnay nito,
nakialam na rin ang Department of Justice (DOJ) sa usapin upang hindi na ito
lalo pang lumala.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra ipinatawag na niya si Bantag sa kaniyang opisina. Nilinaw naman ng kalihim na maaari lamang niyang payuhan, at hindi puwedeng utusan, si Bantag na pansamantalang itigil na muna ang aktibidad ng BuCor sa lugar.
| Screenshot mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
Nauna nang nanindigan si Bantag na walang masama sa pagpapasara nila sa kalsada at pagtatayo ng pader na hollow blocks sa gitna nito.
| Imahe mula sa Facebook| City of Muntinlupa |
COMMENTS