Isa na si John Prats sa mga direktor ng "FPJ's Ang Probinsyano."
Isa na rin pala si John Prats sa mga direktor ng longest-running action-drama series sa bansa na “FPJ's Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Ang pagiging isa sa mga direktor niya ng serye ay inanunsyo kasabay ng big reveal na ginawa sa pagpasok ng megastar na si Sharon Cuneta sa naturang programa noong November 9, 2021.
Ibinahagi ng Dreamscape Entertainment, isang TV production company at entertainment division ng ABS-CBN Corporation, sa social media ang isang larawan sa ginawang story conference. Makikita roon ang megastar at ang iba pang cast ng “Ang Probinsyano.”
Ganito ang caption sa larawan:
“Sharon, kaaway o kakampi sa “FPJ’s Ang Probinsyano? Nakasama ni Megastar Sharon Cuneta sa story conference ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sina Coco Martin at mga direktor nito na sina John Prats, Albert Langitan, Kevin de Vela, at Malu Sevilla para pag-usapan ang ang magiging papel niya sa serye. Siya ba ay magiging kaibigan o kalaban ni Cardo?”
Sa sariling social media account, ibinahagi ni John Prats ang sayang naramdaman ngayong isa na siya sa mga direktor ng serye. Habang buhay raw niyang ipagpapasalamat ang malaking oportunidad na ibinigay sa kanya.
“This is big! Never ko na-imagine sa tanang buhay ko na mapabilang kasama ang mga mahuhusay na director ng ABS-CBN. Thank you Lord God. Salamat Direk CM sa tiwala at sa pag-gabay. Thank you Tita Cory, Direk Lauren and Sir Deo and sa @dreamscapeph family for this opportunity na habang buhay kong ipagpapasalamat," aniya.
"Napakalaki ng cast! Nakakalula, ngayon lang ata ako naka-experience na maging bahagi ng isang programa na napakaraming bituin! Enjoy mga Kapamilya," dagdag ng aktor na dati ring direktor ng noontime variety show na “It’s Showtime.”
Nagbahagi rin si John ng ilang larawan na kuha sa serye. Pinasalamatan niya ang lahat ng mga taong tumutulong at sumusuporta sa programa.
“I want to thank also the people behind the camera na tumulong and sumoporta sa amin. Sa mga cameramen na malulupit at sa mga crew at sa lahat ng staff and producers! Salamat. Salamat din sa mga co-actors ko na sumuporta. Love you all," aniya.
COMMENTS