Namataan mo na ba ang manyikang iniwangis sa OPM star na si Kitchie Nadal at tinawag na "Kitchie Na Doll"?
Isa ang mang-aawit na si Kitchie Nadal sa mga pinakapopular na singer ng kanyang panahon kaya naman hindi na nakapagtataka kung makakita ng iba't ibang bagay na siya ang ginawang inspirasyon, gaya na lamang ng notebook, T-shirt, at iba pa. Ngunit namataan mo na ba ang manyikang iniwangis sa kanya at tinawag na "Kitchie Na Doll"?
Sa Facebook, dalawang beses ibinahagi ni Kitchie ang litrato ng nakaaaliw na manyika na naka-credit sa isang nangangalang Jhunly Lazaro.
Ang tanong niya: seryoso?
At katulad niya, maraming social media users din ang namangha at naaliw sa nasabing laruan. Ang ilan sa kanila, nag-iwan din ng mga nakakatawang kumento sa comments section ng mga post ng mang-aawit.
"Katakot 'yan, baka sa madaling araw kumanta ng Kitchie Nadal Medley," kumento ng Facebook user na si Keith Bariso.
"Opo, secret lang po 'yan kasi para sa'yo daw po talaga 'yang doll na 'yan. Huwag na huwag mo raw pong sasabihin. Hahahaha!" ani Alvin Y Jamilla na ginamit pa ang isa sa mga sikat na kanta ni Kitchie.
"Congrats, Madam, ang ganda. Sana, Madam, mabigyan mo ako niyan para sa pamangkin ko. Hehehe!" hiling ni James Michael Vladimir Laya-og.
Ayon naman kay Anne Jing, "Good vibes, Ms. Kitchie Nadal. Matagal na 'yan nag-e-exist. Tawang-tawa rin ako nang una kong makita 'yan. I have been a fan since 'yong first albums na cassette tapes pa lang. I miss your voice, Ms. Kitchie."
Samantala, may suggestion naman ang isa pang Filipina singer na si Barbie Almalbis. Aniya, dapat sa susunod may gitara nang hawak ang "Kitchie Na Doll". Wika naman ng ibang netizens, dapat mayroon ding Barbie Almalbis Doll, na kapag nagkataon ay magiging malapit ang pangalan sa iconic Barbie dolls.
COMMENTS