Ibang VP Leni Robredo ang matutunghayan sa vlog ni Mimiyuuuh.
Napaka-espesyal ng guest ng internet sensation na si Mimiyuuuh sa kanyang latest vlog. Ito ay walang iba kundi si Vice President Leni Robredo.
Pinamagatang "Cooking essential lugaw with VP Leni Robredo" ang vlog ni Mimiyuuuh na humakot na ng mahigit isang milyong views dalawang araw pa lang ang nakalilipas simula nang ma-upload iyon sa YouTube noong linggo, ika-7 ng Nobyembre.
Bakas kay Mimiyuuuh ang labis na kasiyahan sa ginawa ni VP Leni na paunlakan ang kanyang imbitasyon. .
Magiliw namang sinabi ng bise presidente na sinusubaybayan niya ang mga vlogs ng popular na YouTube content creator.
Nagmistulang isang cooking show ang vlog kung saan ipinakita ni VP Leni kay Mimiyuuuh ang husay niya sa pagluluto ng lugaw.
"Actually, ang lugaw kasi ay iba-iba ang variations. ‘Yung gagawin natin ngayon ‘yung lugaw and chicken,” sabi ng bise presidente kay Mimiyuuuh na halos hindi na makapaghintay na matutunan ang kanyang lugaw recipe.
Habang nagluluto si VP Leni ay may pa-Q&A segment pa si Mimiyuuuh na nakadagdag ng aliw sa mga nanonood ng video.
“Habang tayo’y nagluluto, VP, ay may mga hinanda akong questions for you,” sabi ng vlogger.
Kabilang sa mga tanong ay tungkol sa relationship.
“Paano po kaya magka-jowa? Lalung-lalo na ngayong pandemic?” tanong ni Mimiyuuuh.
Sagot ni VP Leni, naniniwala raw siya na hindi ito dapat hinahanap dahil kusang darating ang para sa iyo.
“Ako, ang paniniwala ko kasi dapat hindi mo siya sini-”seek.” Paniniwala ko nga ‘pag “sineek” mo, ‘yun tuloy ‘yung mga hindi nagla-last. So, mas mabuti na take your time kasi ‘yung para sa ‘yo darating ‘yun,” payo ni VP Leni kay Mimiyuuh.
Hindi lang si Mimiyuuuh ang agree sa relationship advice ng bise presidente. Maging ang mga netizens ay umayon dito.
“And yes, VP is right. You should never seek. What you deserve will be served in the right time,” ayon sa isang Twitter user.
Nagpalitan pa ng tanong at sagot ang dalawa habang hinihintay nilang maluto ang lugaw.
At nang sa wakas ay matikman na ng vlogger ang lugaw ni VP Leni ay ito ang kanyang naging hatol: “I Love it!”
COMMENTS