Masayang ginanap nitong Biyernes, Nobyembre 12, ang Manila StrEATfood Festival sa Mehan Garden.
Bilang suporta sa mga lokal na produkto, idinaos nitong Biyernes, Nobyembre 12, ang Manila StrEATfood Festival sa Mehan Garden.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng Manila Public Information Office (MPIO) ang ilang larawang kuha ni K R De Asis kung saan makikita ang iba't ibang streetfood na nakahiligan na kainin ng mga Pilipino katulad ng kwek-kwek, hotdog on stick, kikiam, at iba pa.
Mayroon ding mga rice meal na nagtatampok ng iba't ibang putaheng kapares ng kanin. Dagdag pa rito, mamamataan din ang mga dessert at ang ilan sa mga ito ay hindi basta-bastang mabibili kung saan-saan.
Image via K R De Asis/MPIO
"Another event project brought to you by the City Government of Manila, through the efforts of the Bureau of Permits, Let's Buy Local, Eat Local, Shop Local, and support our local entrepreneur," saad ng tarpaulin na nakalagay sa venue ng nasabing event.
Sa comments section ng post, iba-iba ang naging reaksyon ng mga social media users.
May mga nanabik, nag-crave, at nagkayayaang pumunta. Ikinatuwa rin ng iba ang nasabing proyekto dahil nakapagbibigay daw ito ng pagkakataon sa mga produktong lokal at sa mga gumagawa nito na karamihan ay nagsisimula pa lamang sa food business.
May mga nagmungkahi rin na dagdagan pa ito ng mga pagkaing mas espesyal pa at may humiling din na sana ay magkaroon din ng performances.
Samantala, ang ilan ay nagpayo na dapat ay ibayong pag-iingat ang gawin dahil sa kasalukuyan ay mayroon pa ring pandemya.
COMMENTS