Isinapubliko ng Madame Tussauds Hong Kong ang wax figure ni Manny Pacquiao.
| Image from Madame Tussauds Hong Kong |
Isa na naman ang nadagdag sa maraming karangalang nakamit ng pambansang kamao na si Senator Manny Pacquiao.
Karangalan para sa senador na magkaroon ng sarili niyang wax figure na naka-display sa world famous wax museum na Madame Tussauds sa Hong Kong na naging paboritong pasyalan ng mga Pilipino at international tourists.
Siya ang kauna-unahang male Filipino na may wax figure sa Madame Tussauds Hong Kong. Ang karangalan ng kauna-unahang female Filipino wax figure sa pamosong museo ay kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Makikita sa ilang larawan na inilabas ng museo ang life-sized wax figure ni Pacman na nasa loob ng isang boxing ring. Suot nito ang shorts, gloves at sapatos na mismong isinuot ng Pinoy boxing legend sa mga nagdaan niyang laban.
| Image from Madame Tussauds Hong Kong |
“The gloves, shorts, and shoes are very special items that I decided to donate to madame Tussauds," aniya sa panayam ni Eric Mak, ang general manager ng Hong Kong Cluster.
“Nagamit ko ito in the past, ‘yung mga fight ko. Usually, I keep it as my souvenir, but because of Madame Tussauds, I donated it so that people can be inspired," dagdag pa niya.
Inimbitahan niya ang mga Pilipino na bumisita sa museo upang makita ang pinakabagong atraksyon.
| Image from Madame Tussauds Hong Kong |
“Nais kong imbitahan ang kapwa ko Pilipino na bumisita sa Hong Kong, sa Madame Tussauds at magpa-picture sa aking wax figure. Napakaganda ng pagkagawa at isang karangalan natin hindi lang para sa akin kundi sa ating mga Pilipino na mayroong Pilipino na may wax figure sa Madame Tussauds Hong kong,” wika pa ng 8 division world champion.
May special package promo na alok ang Madame Tussauds sa mga Pinoy fans ni Pacquiao na planong bumisita roon. Sa halagang P1,200 o HK$178 ay may admission ticket na at pases para makapagpa-picture sa loob ng ring kasama ang wax figure ni Pacman.
Ang promo ay available hanggang December 31, 2021.
| Image from Madame Tussauds Hong Kong |
COMMENTS