Michelle Madrigal at Troy Woolfolk hiwalay na pero nananatiling magkasama sa iisang bubong.
Sa pamamagitan ng kanyang vlog, naglabas ang dating aktres na si Michelle Madrigal ng saloobin tungkol sa sitwasyon nila ng kanyang soon-to-be-ex-husband na si Troy Woolfolk matapos ang tatlong taong pagsasama na nagbunga ng isang magandang anak - si Anika.
Sa kasalukuyan ay pinoproseso na umano ang kanilang diborsyo.
Sa naturang YouTube video na tinawag niyang birthday vlog dahil ginawa niya iyon sa araw ng birthday niya noong November 4, sinabi ni Michelle na sa kabila ng paghihiwalay ay nananatili silang nakatira sa iisang bahay, pero sa magkahiwalay na silid.
Aminado siya na mahirap ang ganoong setup, pero natututo naman daw silang mag-usap at maging mature sa mga bagay-bagay at hindi na basta basta nati-trigger ng maliliit na bagay o detalye.
Aniya, may plano naman siyang lumipat ng bahay, pero kakaiba raw ang pakiramdam na iiwanan ang bahay na binuo nilang dalawa ni Troy.
“Eventually one of us—or I—will be moving out of this house that we've pretty much built together. I've designed everything here. I styled, picked out all the decorations, and it's crazy that I'm going to move out of this place that we've created," wika pa ni Michelle.
Ang paglipat ng bahay ay magiging malaking pagbabago o transition hindi lang daw para sa kanya kundi maging para kay Anika.
Okay naman daw ang anak nila dahil hindi pa nito naiintindihan ang kanilang sitwasyon.
Determinado naman daw silang dalawa ni Troy na sabay nilang alagaan ang kanilang unica hija.
"We just want to be there for our daughter. It's really important for your kids to see that you guys are still a team no matter what the circumstance is,” aniya.
Nabanggit din ni Michelle ang dahilan ng paghihiwalay nila ng asawa. Hindi raw sila compatible sa isa’t isa.
“We were both unhappy . I think the reason why this marriage did not work was because we are not really compatible at all,” paliwanag niya.
Sa palagay niya raw kaya maraming relasyon o pagsasama ang hindi nagtatagal ay dahil hindi sila compatible sa taong pinili nilang makasama.
COMMENTS