Pinaplano ng MMDA na magpatupad ng number coding tuwing rush hour.
Pinaplano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng unified vehicle volume reduction program, na mas kilala bilang number coding scheme, kung sakaling lumala ang traffic situation sa Kamaynilaan.
Ang number coding, na sinuspinde nang magsimula ang pandemic noong nakaraang taon, ay maaaring ipatupad tuwing rush hour sa umaga at sa gabi - 7 AM to 9 AM at 5 PM to 7 PM.
“We were thinking what if ‘yung number coding doon lang sa oras na ‘yun muna para hindi ganun ka-drastic. Sa rush hour lang, mga tipong dalawang oras sa umaga, dalawang oras sa gabi,” wika ni MMDA Chairman Benhur Abalos.
Ayon kay Chairman Abalos, sa ngayon ay manageable pa naman ang traffic at travel time sa Metro Manila at kailangan pa ng mas masusing obserbasyon bago gumawa ng desisyon kung kinakailangan nang ibalik ang number coding o mananatiling suspendido.
Sabi niya, ang kabuuang bilang ng mga sasakyang naglalabas-masok araw-araw sa Kamaynilaan noong wala pang pandemya ay nasa 405,000. Nitong nakalipas na tatlong araw, 399,000 ang mga sasakyang na-monitor ng MMDA na pumapasok at umaalis sa metropolis.
Noong wala pang pandemya, ang average na bilis ng mga biyahe mula Monumento hanggang Roxas Boulevard ay 11 kilometers per hour (kph). Bumilis ito sa 23 kph nang magka-pandemya. At sa ngayon ay medyo bumagal ito sa 19 kph.
“During the pandemic, it became 23 kph. Right now it’s 19. It slowed down a bit but still substantial from 11 kph,” aniya.
May iba pa umanong factor na kinokonsidera sa pagbabalik ng number coding.
Ang pinapayagang capacity ng public utility vehicles ay 70% lang kaya naoobserbahan ang mahabang pila ng mga pasahero tuwing peak hours.
Kung ipatutupad na nang buong araw ang number coding, ang mga taong iisa lang ang kotse ay dadagdag pa sa pila sa mga transport terminals.
Kung ang number coding ay tuwing rush hour lang, magagamit pa rin ng mga taong iisa lang ang kotse ang kanilang sasakyan. Kailangan lang nilang umalis nang mas maaga at umuwi nang mas gabi.
COMMENTS