Pinahahanga ng isang Pinay babysitter sa Italy ang mga Italyano sa husay niya sa pag-awit.
| Screenshot from Jomari Ebora's YouTube video |
Pinabilib ng isang Pinay nurse na nagtatrabaho sa Italy bilang isang babysitter ang mga Italyano sa galing niya sa pag-awit.
Si Jenika Duran ay isang nurse dito sa Pilipinas na nagtungo sa Italy upang makapiling ang pamilya. Tulad ng maraming overseas Filipino workers, hindi rin niya nagamit ang propesyon niya pagdating sa naturang bansa.
Karamihan umano sa mga OFWs doon ay caregiver, babysitter at domestic helper.
“Dito po sa Europa, mahirap pong mai-practice ang iyong profession sa atin sa Pilipinas. Isang malaking desisyon po ang ginawa ko sa aking buhay na makapunta dito sa Italy, para makasama ko po ‘yung buo kong pamilya,” wika ni Jenika.
| Screenshot from Jomari Ebora's YouTube video |
Sa tulong ng mga kaanak ay madali naman daw siyang nakapag-adjust sa bagong buhay sa ibang bansa. Mahirap daw sa una subalit makakasanayan din kalaunan.
“Sa simula po, mahirap po talaga ang buhay sa Italy, lalo na ang panibagong lugar, panibagong mga tao. Sa tulong po ng pamilya ko at mga kaibigan, ‘yung hirap na pinagdaanan ko noon, lahat ng iyak na pinagdaanan ko, na-survive ko po,” kuwento niya.
Bukod sa pagiging babysitter ay suma-sideline siya bilang isang busker o street performer kasama ang isang italyanong gitarista na umaakampanya sa kanyang pagkanta.
| Screenshot from Jomari Ebora's YouTube video |
Ganoon na lang ang paghanga sa kanya ng mga Italyano na mababakas sa lakas ng kanilang hiyawan at palakpakan na mapapanood sa YouTube video na kanyang ibinahagi. May couples pang napasayaw!
Hindi raw akalain ni Jenika na ganoon ang magiging pagtanggap doon sa kanyang talento sa pag-awit.
“Hindi ko po in-expect na ganito ang magiging pagtanggap ng mga tao sa akin at sa boses ko, at sobrang nagpapasalamat po ako. Sobrang saya ng puso ko,” aniya.
| Screenshot from Jomari Ebora's YouTube video |
Pangarap raw talaga niya na maging isang mahusay na mang-aawit. Sa Katunayan ay sumali siya noon sa singing competition ng ABS-CBN na “I Can See Your Voice.”
Aniya, nais niyang maibahagi ang talentong ibinigay ng Diyos upang makapagpasaya ng maraming tao.
COMMENTS