Kumikita ng extra income ang isang OFW sa Italy sa pagtatanim ng mga gulay at naiibsan pa ang homesickness.
| Image from Lino Gutierrrez Mandigma |
Sipag at tiyaga ang puhunan ng isang overeseas Filipino worker (OFW) sa Italy upang magkaroon ng extra income para sa pamilya.
Si Lino Gutierrez Mandigma ay nagtatrabaho sa Parma, Italy bilang isang domestic helper simula pa noong 1999 matapos niyang iwan ang pagiging isang guro sa elementarya sa Pilipinas.
Dala niya sa Italy ang pangarap niyang magkaroon ng sariling farm kaya sa maliit na espasyo sa kanilang tinitirhan ay nagtatanim siya ng mga gulay. Kalaunan ay nagrenta siya sa Italian government ng bakanteng lote na may sukat na 150 square meters na binabayaran niya ng 90 euros kada taon o katumbas ng P5,152.
| Image from Lino Gutierrrez Mandigma |
Ang amplaya raw ang pangunahing gulay na pananim niya dahil iyon ang pinakamabili sa mga kapwa Pinoy na nasa Italy. Kasunod ay ang bawang at sibuyas.
Halos lahat na yata ng gulay na nababanggit sa kantang “Bahay Kubo” ay mayroon sa kanyang hardin tulad ng talong, kamatis, sitaw, patola, upo, kalabasa, mustasa at luya. Mayroon ding petsay, gabi, kangkong, sili, saluyot, okra, kamote, malunggay, petsay, alugbati, letsugas at pipino.
Naibebenta raw niya ang ampalaya at kangkong sa halagang 5 euros kada kilo o katumbas ng P290, samantalang ang upo ay 3 euros ang bawat piraso.
| Image from Lino Gutierrrez Mandigma |
Noong summer 2020 ay umabot sa 2200 euros o P128,000 ang benta niya sa mga gulay na inani.
Pinakamainam umanong magtanim sa Italy tuwing summer - mula Hunyo hanggang Agosto - dahil ang araw ay lumulubog halos alas-nuwebe na ng gabi. Kahit daw galing sa trabaho ay marami pa siyang oras para sa kanyang hardin.
Ang klima doon kapag summer ay kahalintulad umano ng klima sa Pilipinas, Ang maganda raw sa Italy ay sagana ang water supply kaya walang problema sa pagdidilig.
| Image from Lino Gutierrrez Mandigma |
Ngayong malamig na ang panahon ay naging mas maganda ang mga bunga ng tanim niya dahil kakaunti lang ang mga insekto.
Sabi ni Lino, bukod sa karagdagang kita, nakatutulong daw ang pagtatanim upang maibsan ang homesickness.
COMMENTS