Patok ang online live selling ng mga PDL ng Sorsogon City District Jail.
| Image from SCDJ |
World class handicrafts at mga magagandang parol para sa Pasko ba ang hanap mo?
Pumili at “i-mine” mo na ang mga produktong magugustuhan mo na mabibili sa Sorsogon City sa pamamagitan ng online live selling.
Pero, kakaiba ang live selling na ito dahil ginagawa ito sa loob ng Sorsogon City District Jail (SCDJ) at ang mga persons deprived of liberty (PDL) o inmates ang nag-aalok ng mga paninda.
“Welcome to Sorsogon City District Jail online selling. Good afternoon, ma’am. Good afternoon, sir. Lahat po ng nakikita n’yo sa likuran namin ay gawa po ng kapwa ko PDL sa loob ng city jail,” alok ng isang PDL na host ng live selling sa Facebook page ng SCDJ.
| Image from SCDJ |
Sari-sari ang paninda nila. May mga native baskets na yari sa abaca, mga wallet, parol, lampshade , doormat, pot holders, fashion accessories at marami pang iba na abot-kaya ang halaga na mula P40 hanggang P900.
Sabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Sorsogon ay nakiuso na rin sila sa online selling dahil ang mga inmates ay apektado rin ng pandemya. Bukod sa walang face-to-face na dalaw ay hirap na rin silang makahanap ng mga bibili sa gawa nilang mga produkto.
| Image from SCDJ |
Hindi lang mga residente ng Sorsogon ang napa-"mine" sa kanilang mga produkto dahil may mga buyers na rin sila mula sa Bulacan at Metro Manila..
Ang mga produktong gawa ng mga PDL, lalo na ang mga native baskets, ay hindi raw puwedeng “ismolin” dahil world class ang mga iyon na nakarating na sa ibang bansa.
“Nakaabot po itong produkto namin hanggang Hawaii at saka New York…’yung mga baskets po,” ayon sa isang opisyal ng SCDJ.
| Image from SCDJ |
Ang kita nila sa bawat session ng online live selling ay umaabot daw hanggang P14,000.
Ayon pa sa BJMP-Sorsogon, ang lahat ng kinikita sa live selling ay mapupunta sa mga PDL upang may maibahagi naman sila sa kani-kanilang mga pamilya sa pagsapit ng Pasko.
| Image from SCDJ |
COMMENTS