Isang young entrepreneur gumawa ng sneakers gamit ang recycled plastics.
Nakagawa ng sneakers na gawa sa mga recycled plastic bags at bottles ang 22-anyos na entrepreneur sa India.
Tinawag ni Ashay Bhave na “Thaely Y2K Pro Sneakers” ang brand ng ginawa niyang sapatos. Ang kahulugan ng thaely sa kanilang lenggwahe ay plastic bag.
Ayon kay Ashay, na sa Mumbai isinilang at kasalukuyang sa Dubai naninirahan, sinimulan niya ang proyekto nang malaman niya ang single-use plastic ban na ipinatutupad sa India.
Sabi niya, ikinatuwa ng marami ang batas, pero hindi raw iyon naipatutupad nang maayos sa maraming lugar.
Nalaman din daw ni Ashay na tinatayang 100 billion plastic bags kada taon ang ginagamit sa buong mundo at 14% ng mga ito ay napupunta sa mga karagatan na siyang bumubuo sa malaking bahagi ng marine plastic waste.
Na-motivate umano siya na tumulong sa paghahanap ng solusyon sa naturang problema. Ang bunga niyon ay ang ThaelyTex, isang tela na parang leather sa itsura at hipo pero gawa mula sa recycled plastic.
Nakipag-partner si Ashya sa isang waste removal company - ang TrioTap Technologies - upang maging mabilis ang pangangalap ng plastic wastes,
Doon na rin sa naturang kumpanya nililinis ang mga plastic wastes gamit lang ang mainit na tubig na walang halong kemikal.
Ang mga nakolektang plastic wastes ay pinoproseso para maging ThaelyTex fabric at pagkatapos ay dadalhin sa isang shoe factory upang bumuo ng sneakers.
Sampung plastic bags at labindalawang plastic bottles ang nagagamit upang makagawa ng isang pares ng sneakers.
Ang sintas ng Thaely sneakers ay yari sa recycled plastic bottles, ang mga pandikit na ginamit ay 100% na galing sa mga halaman at ang swelas ay recycled rubber.
Ang packaging na ginagamit sa mga sapatos ay recycled din. Ang tote bag ay gawa sa apat na plastic bottles at ang shoe box ay yari sa recycled na papel na maaaring itanim dahil may halo iyon na basil seed. Gupitin lang nang maliliit ang shoe box at pwede nang itanim.
Sabi ni Ashay, nagpaplano na rin siya na maglunsad ng mga damit na yari sa ThaelyTex fabric.
COMMENTS