Pasok si Robin Padilla sa "magic 12" batay sa SWS senatorial survey.
Kung ngayon gaganapin ang botohan ay kabilang umano ang aktor na si Robin Padilla sa mga mananalo sa mga senatorial candidates, ayon sa resulta ng pre-election survey ng Social Weather Station (SWS) na isinapubliko noong Martes, ika-16 ng Nobyembre.
Ang survey ay ginawa noong October 20-23, 2021.
Batay sa resulta ng survey ay nasa pangsampung puwesto si Robin sa mga kandidato sa pagka-senador na labindalawa lang ang mananalo. Twenty nine percent umano ng mga survey respondents ang bumoto sa aktor.
Ito ang listahan ng “magic 12” ayon sa pagkakasunud-sunod, mula una hanggang pang-labindalawa:
Raffy Tulfo (60%), Chiz Escudero (51%), Alan Peter Cayetano (50%), Loren Legarda (45%), Migz Zubiri (44%), Jejomar Binay (40%), Mark Villar (40%), Risa Hontiveros (36%) Jinggoy Estrada (33%), Robin Padilla (29%), Noli De Castro (28%) at Joel Villanueva (27%).
| Image from SWS |
Ganito ang survey question na sinagot ng mga respondents. Ipinakita sa kanila ang mga pangalan ng senatorial candidates na pagpipilian.
“Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang mga senador ng Pilipinas? Narito po ang listahan ng mga pangalan ng mga kandidato. Maaari po kayong pumili ng hanggang 12 pangalan.”
Ang magandang performance niya sa survey ay ipinagpapasalamat ng aktor sa suporta at popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nagpasalamat din siya sa mga nagbigay ng tiwala sa kanya at nangakong ipakikita niya na deserving siya na maging isang senador.
| Image from Robin Padilla's Facebook account |
“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte at sa ating mga kababayan para sa kanilang tiwala at suporta. Gagawin ko ang lahat para ipakitang deserving ako maging kinatawan ng ating mga kababayan sa Senado,” aniya.
“Bagama't nagulat ako sa ranking ko sa survey, 'di ako nagugulat na karamihan sa amin sa Magic 12 ay kilalang mga supporter ni Tatay Digong,” sabi pa niya.
Si Robin Padilla ay kabilang sa senatorial slate ng PDP-Laban political party na si Pangulong Duterte ang chairman.
| Image from Robin Padilla's Facebook account |
COMMENTS