Inalala ni Ryan Bang ang mapait na karanasan bago narating ang tagumpay.
| Screenshot from Ogie Diaz's vlog |
Ibinahagi ni Ryan Bang, ang sikat na TV host-comedian dito sa Philippine showbiz na isang South Korean, ang mga pinagdaanan niya bago naabot ang kasalukuyang estado sa pamumuhay.
Sa interview sa kanya ng talent manager-comedian-vlogger na si Ogie Diaz, maraming isiniwalat si Ryan tungkol sa malungkot niyang nakaraan noong nasa South Korea pa siya at noong bago pa lang siyang naninirahan dito sa Pilipinas.
Bata pa raw siya nang maghiwalay ang mga magulang niya. Dahil daw iyon sa malaking utang ng tatay niya na nahirapan silang bayaran. Lumaki siya sa piling ng ina na napilitang pasukin ang sari-saring trabaho upang mabuhay sila. Ang kuwartong inuupahan nila ay napakaliit.
Kuwento ni Ryan, pakiramdam niya sa sarili ay masamang tao dahil sa isang pangyayari na hindi niya malilimutan.
| Screenshot from Ogie Diaz's vlog |
Ikinahiya raw niya ang nanay niya nang makita niya ito na nagtatrabaho bilang tagahugas ng pinggan sa restaurant na ang may-ari ay ang pamilya ng kaklase niya sa elementary.
Nagalit daw siya sa ina dahil sa dinami-rami ng mapapasukang restaurant ay bakit doon pa sa restaurant ng kaklase niya.
Naranasan din daw nilang mag-ina na mag-ulam lang ng sabaw sa loob ng anim na buwan
Noong 2005, katorse anyos pa lang siya, ay ipinadala siya ng ina dito sa Pilipinas para mag-aral. Tumira siya sa bahay ng lalaking bestfriend ng nanay niya na may negosyo rito. Iyon ang naging guardian niya.
| Screenshot from Ogie Diaz's vlog |
Kuwento pa niya, bigla siyang napauwi sa Korea matapos siyang pagbuhatan ng kamay ng guardian niya dahil pinagselosan daw siya.
Ayaw na sanang bumalik ng Pilipinas ni Ryan pero napilitan siya dahil pinagtatrabaho siya ng ina sa Korea. Nakitira siya sa pamilya ng bestfriend niya habang nag-aaral dito ng high school.
Naikuwento rin niya kung paano siya napasok sa Pinoy Big Brother na naging tulay upang makilala siya sa local showbiz. Siya ang Second Teen Big Winner sa batch na iyon kung saan si James Reid ang Big Winner.
| Screenshot from PBB video |
Sabi niya, napakahirap maging mahirap kaya naman naging masinop siya sa kinikita niya. May mga negosyo na siyang naipundar ngayon tulad ng salon at ilang restaurant. Nabilhan na rin daw niya ng sariling condo unit ang ina sa Korea.
Nag-iipon pa raw siya para bilhan din ng sariling matitirhan ang ama.
Hangga’t hindi pa raw naaayos ang buhay ng mga magulang ay hindi pa siya mag-aasawa.
COMMENTS