Isang tindero ng noodles sa Vietnam ang dinala ng mga awtoridad matapos niyang gayahin si Salt Bae.
| Image from Radio Free Asia |
Isang noodle vendor sa Da Nang City sa Vietnam ang dinala sa presinto matapos niyang gayahin si “Salt Bae.”
Si Salt Bae ay ang Turkish celebrity chef na si Nusret Gokce na naging social media star dahil sa kakaiba niyang style sa pagbubudbod ng asin sa pagkain.
Ang Vietnamese street vendor na nakilalang si Bui Tuan Lam ay dinala sa presinto kasunod ng pag-post niya sa kanyang Facebook account ng isang video na nagpapakitang nag-ala Salt Bae siya sa pagbubudbod ng green onions sa isang mangkok na noodles.
Tinawag niya ang sarili na “green onion bae.”
| Image from Radio Free Asia |
Isa pang video ang pinost ni Lam, na kilalang dating aktibista at human rights advocate, sa Facebook account niya kung saan makikitang kinukuwestyon siya ng awtoridad tungkol sa panggagaya niya kay Salt Bae.
Nang tanungin ni Lam kung bakit siya dinala sa presinto ay wala raw siyang nakuhang malinaw na sagot mula sa mga officers..
| Image from Radio Free Asia |
Subalit para sa mga Vietnamese netizens, ang dahilan ng pagkuwestyon sa noodles vendor ay ang naunang TikTok video na kumalat sa Vietnam kung saan nakita ang isang mataas na opisyal ng Vietnam habang sinusubuan ito ni Salt Bae ng isang hiwa ng gold-plated steak.
Umani ng batikos mula sa mga Vietnamese ang naturang video.
Paano raw nakayang bumili ni To Lam, ang Vietnamese Minister of Public Security, ng ganoon kamahal na steak na nagkakahalaga umano ng $1,975 samantalang ang buwanang suweldo nito ay tinatayang nasa $660 lang kada buwan.
| Image from Radio Free Asia |
Ang ministro at iba pang opisyal ng Vietnam ay nagtungo sa London kung saan naroroon ang bagong bukas na restaurant ni Salt Bae matapos nilang dumalo sa United Nations Climate Change Conference na ginanap sa Scotland.
Ang kontrobersyal na video ay inalis na sa Tiktok account ni Salt Bae, subalit nakopya na iyon ng mga netizens bago pa naialis kaya kumalat.
| Image from Radio Free Asia |
Narito ang ilang komento ng mga Vietnamese tungkol kay Minister To Lam:
“Where did he get the money?”
“My tax money has been used for luxury.”
Ang magarbong pagkain ng kanilang opisyal ay pagpapakita umano ng pagiging insensitive ng opisyal sa kalagayan ng 98 million Vietnamese na naghihikahos at hindi nakalalabas dahil sa halos dalawang taong pagkalugmok ng kanilang ekonomiya sanhi ng pandemya.
COMMENTS