Sinabi ni Inday Sara na tinanggihan ng PDP-Laban ang hinihinging suporta para sa tandem nila ni BBM.
| Screenshot from Sen.Bong Revilla's video |
Sa unang pagkakataon mula nang ideklara niya ang pagtakbo sa pagka-bise presidente ay kinumpirma ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang tandem nila ni Bongbong Marcos (BBM) para sa halalan sa 2022.
Sa isang maiksing video message na ibinahagi niya sa kanyang offical Facebook page, isiniwalat ng alkalde, na kilala sa tawag na Inday Sara, na siya ay nakipag-alyansya sa ruling PDP-Laban political party na pinamumunuan ng amang si Pangulong Rodrigo Duterte upang hingin ang suporta nito sa tandem nila ni BBM.
Tinanggihan umano ng PDP-Laban ang kahilingan niya. Naiintindihan naman daw niya ang ginawang pagtanggi ng naturang partido.
| Screenshot from Mayor Inday Sara's video |
“Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan. Tinanggihan ito ng PDP at naiintindihan natin ito,” ani Mayor Inday Sara.
“Pero gusto ko lamang na linawin — walang pangalan na sinisira o dinudungisan, walang sinasagasaan, walang inaagrabyado, inaaway, pinapaiyak o inaapi,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, malinaw ang panawagan niya sa lahat ng mga sumusuporta sa administrasyon ng kanyang ama na patuloy itong suportahan.
Layunin umano ng alkalde na hindi lang ipagpatuloy ang magagandang nagawa ng Duterte administration kundi mas pagbutihin at palawigin pa ang mga iyon.
| Image from Mayor Inday Sara's Facebook page |
"Nagsisimula pa lang ang ating laban. Alam ko na mahaba at mahirap ito pero kampante ako na sasamahan at tutulungan n'yo ako hanggang sa dulo, hanggang maipanalo natin ito para sa ating mahal na bayan at kapwa Pilipino,” wika pa ng Davao City mayor.
| Image from Mayor Inday Sara's Facebook page |
Si Mayor Inday Sara ay vice presidential candidate sa ilalim ng Lakas-CMD party samantalang si BBM ay presidential candidate ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
Naglabas ang PFP ng isang resolusyon upang i-adopt ang alkalde bilang vice presidential candidate ng partido.
COMMENTS