Ipinaliwanag ni Mayor Sara Duterte kung bakit siya tumakbo sa pagka-bise presidente.
Gumawa ng 'ingay' si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nang maghain ng kandidatura para sa pagka-bise presidente bilang substitute candidate sa ilalim ng Lakas-CMD political party noong Sabado, November 13.
Ikinagulat ito ng marami dahil naging malinaw ang mga nauna niyang pahayag na tatakbo siyang muIi sa pagka-alkalde ng Davao City, subalit sa bandang huli ay binawi niya ang naturang kandidatura upang bigyang-daan ang pagiging vice presidential candidate.
Sa isang video na ibinahagi niya sa kanyang official Facebook page nitong araw ng Linggo, ika-14 ng Nobyembre, ipinaliwanag ng alkalde ang dahilan kung bakit siya nagdesisyon na tumakbo bilang vice president.
Ito raw ay dahil sa walang humpay na panawagan ng supporters niya na nag-uudyok na tumakbo siya sa pagka-pangulo.
“Nag-desisyon na ako na huwag tumakbong pagkapangulo ng Pilipinas. Subalit, wala pa ring humpay ang inyong mga panawagan kahit na pagkalipas ng ika-walo ng Oktubre,” panimula niya.
Ang October 8 ay ang huling araw ng paghahain ng kandidatura.
Hindi raw niya maaatim na muling “umiyak” ang mga supporters sa November 15, ang huling araw ng withdrawal at substitution ng mga kandidato na pinapayagan ng Commission on Elections.
“I have thousands of supporters who cried last October 8. And I cannot find it in my heart to make them cry again on November 15. After the deadline, the offer to run for vice president became an opportunity to meet you halfway,” paliwanag ng alkalde.
“It’s a path that would allow me to heed your call to serve our country and make me a stronger person and public servant in the years that lie ahead. I am here to answer your call. I appeal to all supporters to stay calm,” dagdag pa niya.
Nagpahayag naman ng pagtataka si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging desisyon ng anak gayong ito ang palaging nangunguna sa survey kung sino ang napipisil ng mga tao na maging susunod na presidente ng bansa.
“Nagtataka ako, sabi ko, siya ang number one sa survey, kung bakit siya pumayag na tatakbo lang ng bise. Bakit ka tatakbo na bise presidente na alam mong mas lamang ka?" tanong ng Pangulo na nagpahayag noong Sabado na tatakbo rin siya sa pagka bise presidente.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na ihahain ng pangulo ang kanyang certificate of candidacy sa Lunes, November 15.
Samantala, kasunod ng paghahain ni Mayor Sara ng kanyang kandidatura ay agad naglabas ng resolusyon ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na nagsasabing inaampon nila ang alkalde bilang vice presidential candidate ng partido.
Si Bongbong Marcos ang presidential candidate ng PFP.
COMMENTS