Sarah Geronimo magiging aktibo ulit simula 2022.
Makalipas ang halos dalawang taong pamamahinga sa paggawa ng mga TV shows at pelikula ay muling na namang magiging aktibo si Sarah Geronimo simula sa susunod na taon.
Ang top honcho ng Viva na si Vic Del Rosario ang mismong nagkumpirma nito sa naging panayam sa kanya ng PEP noong November 8, 2021.
Ipinaliwanag umano ng Viva boss ang dahilan kung bakit nag-lie low ang ang kanilang prized star.
Siguro raw ay nasa “honeymoon stage” pa rin si Sarah G sa kasal nito kay Matteo Guidicelli.
“Regular naman iyong latag ko ng plano sa kanya. Siyempre, ngayon ang kaibahan, tamad na siya mag-work. Last year was more of a honeymoon stage siguro sa kanya,” wika ni Del Rosario.
Hinayaan lang daw niya ang pop royalty, na ngayon ay mas maganda ang pangangatawan dahil nagkaroon ng maraming oras sa pag-eehersisyo.
“Hinayaan ko, kasi that was the time na puwede siyang magluto, she was making a lot of the decisions on her own. Ngayon regular ang exercise, ang ganda ng katawan, mas may time siya doon. Nadadala naman ni Matteo,” sabi ni boss Vic.
Ayon pa sa kanya, siya mismo, bilang ang direktang nagma-manage ng career ni Sarah, ang nagsabi na kailangan na nitong magtrabaho ulit. May ilang agam-agam o pangamba lang raw ang singer dahil sa pandemya.
“Next year siguro, sabi ko, mas magtrabaho na siya dahil medyo mahaba na, medyo relaxed siya. Takot din kasi siyang magkasakit, 'di ba? So, na-busy sa pagluluto at saka sa pagbe-bake,” aniya.
Asahan na raw na muling mapapanood si Sarah sa weekly TV show na ASAP Natin ‘To sa ABS-CBN sa susunod na taon.
"Oo. Iyon kasi, parang hinahanap din niya iyong quality ng production, ang hirap kung parati na lang Zoom Zoom. Ngayon sigurong January,” dagdag pa niya.
Bilang simula raw sa muling pagiging aktibo ni Sarah ay isinama na siya sa ginawang 2021 Christmas Station ID ng ABS-CBN.
Inaasahan din ang paggawa niya ng proyekto sa ilalim ng VivaMax, ang video streaming platform ng Viva.
COMMENTS