Kinumpirma ng creator ng Squid Game survival drama series na magkakaroon iyon ng season 2.
Pumatok nang husto sa mga Netflix afficionado ang survival drama series na Squid Game na unang inilabas noong buwan ng Setyembre 17, 2021 at mabilis na naging isa sa mga most popular shows ng online streaming service provider.
Umikot ang istorya nito sa isang paligsahan kung saan itinaya ng 456 players, na lahat ay baon sa utang (maliban sa isa), ang kanilang buhay para sa pagkakataong mapanalunan ang 45.6 billion won.
Sa isang red carpet event para sa serye na ginawa sa NeueHouse sa Los Angeles, California, kinumpirma ni Hwang Dong-hyuk, ang director, creator at writer ng naturang nine-episode Korean thriller, na tiyak na magkakaroon iyon ng Season 2.
“There’s been so much pressure, so much demand and so much love for a second season. So I almost feel like you leave us no choice! But I will say there will indeed be a second season," pahayag niya.
May ideya na umano siya tungkol sa season 2 subalit hindi pa niya alam kung kailan at paano iyon sisimulan. Pero tiniyak niya na muling magbabalik ang main character ng serya na si Seong Gi-hun na ginampanan ng aktor na si Lee Jung-jae.
"I have a rough idea about it but I think it's too early to say when or how specifically. But I can promise you this -- Gi-hun will come back and he will do something for the world," aniya.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Netflix na may nagaganap nang usapan hinggil sa Season 2 ng Squid Game, pero hindi pa iyon kumpirmado.
Samantala, sa ibang panayam, nabanggit ni Hwang Dong-hyuk na ang naging basehan ng Squid Game series ay ang hirap na naranasan ng pamilya niya noong 2009, kung kailan apektado ng global financial crisis ang South Korea.
Aniya, ang pangalan ng ilan sa mga main characters ay ibinase niya sa mga pangalan ng mga childhood friends niya.
COMMENTS