Natupok ang 100,000 doses ng mga sari-saring bakuna. sa Pagadian City.
Hindi bababa sa isandaang libong doses ng COVID-19 vaccines ang natupok sa Pagadian City noong nakaraang linggo.
Kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque ang malungkot na balita.
Ayon kay Atty. Roque, at least 100,000 doses ng COVID-19 vaccines ang naapektuhan ng apoy na tumupok sa Zamboanga Del Sur Provincial Government Center sa nabanggit na lungsod.
“Kinukumpirma ko po na hindi bababa sa 100,000 doses ang naapektuhan, pero wala pa pong exact numero dahil iniimbestigahan pa po. Malungkot nga po itong balitang ito dahil ang nasunog po talaga ay ‘yung regional DOH (Department of Health) office,” pahayag ng tagapagsalita ng pangulo sa isang virtual conference.
Tiniyak ni Roque na agad mapapalitan ang mga naturang bakuna.
“Mabilis naman po nating papalitan ‘yan at dahil hindi naman po problema ang supply. Ito po talaga’y nangyayari. Hindi po talaga natin ninais na magkaroon ng ganyang sunog,” aniya.
Kaugnay nito, sinabi ng DOH na iniimbestigahan na ng pamahalaan ang mga posibleng pagkakamali sa vaccine distribution sa Zamboanga Del Sur.
Sabi ni National Vaccination Operation Center chairperson na si Myrna Cabotaje, ang DOH at ang Department of Interior and Local Government ang nagsasagawa ng pagsisiyasat. Aniya, bukod sa sanhi ng sunog, kabilang sa iniimbestigahan ay kung bakit hindi naipamahagi ang mga bakuna.
“Well, it is beyond us, because fire is a force of nature. But we will have to look into why there were so many vaccines which were not deployed,” ani Cabotaje.
Sa ilalim ng patakaran ng DILG, ang mga bakuna ay dapat naipamahagi na sa mga lugar kung saan iyon gagamitin tatlong araw matapos matanggap iyon ng concerned local government units.
Batay sa mga report ang apoy ay unang kumalat sa unang palapag ng gusali kung saan naroroon ang cold storage para sa mga bakuna.
Kabilang sa mga bakunang napinsala ay 9,176 doses ng AstraZeneca; 14,400 doses ng Moderna, 88,938 doses ng Pfizer; 36,164 doses ng Sinovac. Kasama rin sa mga napinsala ang mga bakuna para sa hepatitis, polio at measles.
COMMENTS