United as one na sina Derek Ramsay at Ellen Adarna.
Ikinasal na sina Derek Ramsay at Ellen Adarna.
Simple pero elegante ang pag-iisang dibdib ng dalawang celebrities na ginanap sa Rancho Bernardo Luxury Villas and Resort, sa Bagac, Bataan noong Huwebes, Ika-11 ng Nobyembre, na pinaging mas romantiko dahil dapithapon iyon sinimulan kung saan ang sunset ang naging backdrop ng garden wedding ceremony na tanging malalapit na mga kaanak at malalapit na kaibigan ng bride at groom ang imbitado.
Kabilang sa mga naroroon ang anak ni Ellen na si Elias Modesto, na nagsilbing ring bearer, at ang anak ni Derek na si Austin.
Base sa mga larawan ng kasalan na ibinahagi ng PEP at ng ilang video uploaders, mababanaag sa mga mata ng bride at groom ang pagmamahal na nararamdaman nila sa isa’t isa.
Habang nasa ilalim ng arko na napapalamutian ng sari-saring mga bulaklak bago simulan ang paglakad niya sa wedding aisle patungo sa altar, pinahiran ni Ellen ang mga luha ng kaligayahan na namumuo sa kanyang mga mata.
Napakagandang masdan ng akres sa suot niyang strapless wedding gown na may mataas na slit. Obra iyon ni Marc Rancy.
Mataman naman siyang tinititigan ni Derek, na napakakisig sa suot niyang pormal na suit na obra ni Bianca Cordero, na naluha rin habang naghihintay malapit sa altar.
Sinelyuhan ng dalawa ang kanilang pag-iisang dibdib sa pamamagitan ng isang matamis na halik.
Matapos niyon ay nagyakap sila nang mahigpit na tila ayaw na nilang pakawalan ang isa’t isa. Parang isang eksena naman sa pelikula ang nasaksihan ng mga naroroon nang marahang hagkan ni Derek si Ellen sa noo.
Ang wedding reception ay ginawa sa pinakamataas na lugar sa Batac doon din sa loob ng Rancho Bernardo Luxury Villas and Resort.
Samantala, marami ang nagulat sa kasal nina Derek at Ellen dahil hindi naman napaulat ang petsa ng seremonya bagama’t may pahiwatig naman ang aktres na nag-post sa kanyang social media accounts ng isusuot niyang wedding dress isang araw bago ang kasalan.
COMMENTS