Political bigwigs ang mga bisita sa kasal ng anak ni Sen. Bong Revilla.
Ikinasal ang anak ni Senator Bong Revilla na si Gianna sa long-time boyfriend nitong si Jed Patricio noong Huwebes, ika-11 ng Nobyembre.
Ginanap ang kasalan sa isang farm na pag-aari ng Revilla family sa Silang, Cavite.
Nagmistulang vlogger si Sen. Bong Revilla sa ginawa niyang pagkuha ng video na ni-livestream niya sa Facebook upang ipakilala ang mga bigating bisita mula sa showbiz at kaalyado sa politika bago simulan ang kasalan.
“Mga kababayan nandito po tayo ngayon sa wedding ng aking anak,” ang panimula ng senador sa kanyang Facebook live video bago niya isa-isang ipinakilala ang mga bisita.
Naroon din si Senator Juan Miguel Zubiri na senatorial candidate din ngayon, ang anak ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si Pampanga Representative Mikey Arroyo at ang presidential candidate na isa sa mga principal wedding sponsors na si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na nagbiro pa sa camera.
“Nandito ako ngayon para mag-witness kung paano iiyak ‘yung kumpare ko,” biro ni Sen. Dela Rosa patungkol kay Sen. Revilla.
Dumalo rin sa kasalan si Senator Imee Marcos kasama ang ilang kapamilya.
Kabilang din sa mga principal sponsors sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at presidential candidate Bongbong Marcos (BBM). Ang dalawa ang mag-partner nang maglakad na ang mga ninong at ninang sa pagsisimula ng wedding ceremony.
Dahil sa eksenang iyon ay lalong umugong ang mga haka-haka na posibleng tumakbo para sa national position si Mayor Sara at maging ka-tandem ni BBM sa darating na eleksyon.
Matatandaang iniurong na ng Davao City mayor ang kanyang re-election bid ilang araw pa lang ang nakararaan. Ang nakababatang kapatid na si Baste Duterte ang substitute niya para sa pagka-alkalde ng lungsod.
Isang interesanteng side event ang naganap kasabay ng kasalan doon mismo sa kaparehong venue.
Nanumpa si Mayor Sara bilang bagong miyembro ng Lakas-CMD political party.
Si Sen. Bong Revilla ang Chairman ng partido samantalang ang National President nito ay ang pinsan ni BBM na si Representative Ferdinand Martin Romualdez.
COMMENTS